Disinformation, takot sa Dengvaxia sinisi sa pagbabalik ng polio

ABS-CBN News

Posted at Sep 20 2019 06:24 PM | Updated as of Sep 20 2019 11:25 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Ang kontrobersiya sa bakunang Dengvaxia ang isa sa mga itinuturong dahilan kung bakit mababa ang coverage ng oral polio vaccine (OPV) sa bansa, dahilan para manumbalik ang sakit na polio matapos ang halos 2 dekada.

Ayon sa World Health Organization (WHO), labis na nakababahala ang pagbabalik ng polio dahil 19 taon nang polio-free ang Pilipinas.

"Problem is in the Philippines you have coverage of 60 percent. When it starts circulating, it doesn't die out. It changes, changes, at some stage it acquires ability to cause disease," sabi ni WHO country representative Dr. Rabindra Abeyasinghe.

Noong 2018, 66 percent lang kasi ang coverage ng OPV sa bansa. Ito ang pinakamababang coverage sa loob ng 10 taon.

Gaya ng mababang coverage sa tigdas noong unang bahagi ng taon, Dengvaxia rin ang isa sa mga nakikitang dahilan nito.

"Scare ng Dengvaxia, the anti-vaxers, misinformation [should be blamed]... On the ground level, parents are both working, they aren’t able to bring their child to health center nor are they able to have their children vaccinated for polio at the time of the door to door campaign," sabi ni Health Secretary Francisco Duque.

Sa Lanao del Sur naitala ang unang kaso ng polio matapos ang halos 2 dekada. Nitong Biyernes, kinumpira naman ng Department of Health (DOH) na isang 5 anyos na batang lalaki sa Laguna ang nakumpirmang may ika-2 kaso ng polio sa bansa.

KABA
    
Dahil dito, muling nakaramdam ng kaba ang inang si Sheena Ayeda, residente ng Baseco, Tondo, ang lugar kung saan nakuha ang sample ng tubig sa imburnal na nagpositibo sa polio.
    
Hindi tinukoy ng DOH ang eksaktong lugar kung saan nakuha ang sample ng tubig, pero ang lugar daw na ito ay masikip at marumi.

Aminado si Ayeda na may pagkakataong ito na talaga ang ginagawang palikuran ng mga residente.

"Opo dito talaga dumudumi ang tao... Binabalot sa plastic tapos tinatapon na lang po diyan," aniya.

Watch more in iWant or TFC.tv

Ayon kay Duque, ang ganitong gawain ang isa sa mabilis na paraan para kumalat ang polio.

"Ang hawaan dito ay galing sa dumi ng tao o bata na infected tapos nakahawak ng pagkain at susubo. 'Yun ang umpisa. I appeal to all LGUs, let’s push for zero open defecation. Hindi puwedeng kung saan-saan ka lang magbabawas dahil ito ay magdudulot ng sakit at kawawa naman 'yung mga bata," ani Duque.

Ito rin ang opinyon ng isang eksperto.

"Marami pa rin tayong mga lugar na may open defecation, 'yung dumudumi sa labas... Ito po ay maaaring mabasa, maulanan, at maaaring andun ang mikrobyo," ani Dr. Susan Mercado, public health expert.

KULELAT SA BAKUNA

Watch more in iWant or TFC.tv

Tinukoy naman ng DOH ang 3 siyudad na mababa ang turnout ng nagpapabakuna ng polio sa National Capital Region. Ito ay ang Maynila, San Juan, at Makati City.

Ayon sa city health chief ng Manila, marami kasing natakot sa Dengvaxia scare noon.

"Iyung mga tao kasi 'yun pa rin ang takot nila regarding Dengvaxia. Pero we keep on telling these people na itong mga vaccines na ito ay mga safe po ito," sabi ni Dr. Albert Pangan, hepe ng Manila Health Office.

Ayon naman sa alkalde ng San Juan, importanteng maibalik ang kumpiyansa ng mga tao sa mga bakuna.

"Importante mawala sa isipan nating mga mamamayan 'yung takot dulot ng Dengvaxia. Ito'y ginagawa natin sa pag-iikot ngayon sa mga barangay. Meron tayong sapat na suplay ng bakuna para sa polio," sabi ni San Juan Mayor Francis Zamora

DAVAO RIVER

Samantala, nananawagan ngayon ang Davao City Health Office sa publiko na wag munang maligo sa ilog, sa dagat, at sa mga swimming pool sa Davao.

Ito'y matapos magpositibo sa polio virus ang Davao River base sa ginawang water sampling examination ng DOH noong Agosto 2019.

Inaalam pa ng City Health Office kung saan posibleng nagmula ang polio virus kaya nagbabahay-bahay sila para mag-imbestiga.
    
"We were tracing saan ito galing... Last week we decided to have active surveillance," sabi ni Dr. Josephine Villafuerte, hepe ng Davao City Health Office.

Dahil dito, target ngayon ng DOH na maabot ng OPV ang 5.5 milyon na bata sa bansa.


—Ulat nina Raphael Bosano, Jeck Batallones, Bonna Pamplona, at Jasmin Romero, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.