Convicted murderer Rolito Go hinahanap ng mga pulis

ABS-CBN News

Posted at Sep 20 2019 05:37 AM

MAYNILA—Pinuntahan ng mga pulis Biyernes ng hatinggabi ang bahay ni Rolito Go, isa sa mga high-profile convict na nasa listahan ng mga dapat muling arestuhin ngayong tapos na ang palugit ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Pinasok ng mga pulis ang compound sa Quezon City, pero ayon sa mga taong nagbukas ng gate, wala roon si Go.

Noong Setyembre 9, chineck na rin ng Masambong Police Station si Go pero out of the country umano ito.

Hindi naman na puwersahang pinasok ang mismong bahay.

Si Go ay nakulong dahil sa pagpatay sa De La Salle University (DLSU) student na si Eldon Maguan sa isang road rage incident noong 1991.

December 2016 nang makalaya si Go matapos magdesisyon ang Korte Suprema na pagtibayin ang resolusyon ng Court of Appeals at Muntinlupa Regional Trial Court na pumapabor sa petisyon ng Habeas Corpus ni Go at asawang si Elsa.

Sa petisyon niya, sinabi ni Go na nagtapos na ang sentensiya niya noon pang Agosto 2013 dahil sa good conduct time allowance (GCTA).—Ulat ni Jervis Manahan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.