Pamilya ng pinaslang na trans woman sa Pangasinan nanawagan ng hustisya

ABS-CBN News

Posted at Sep 19 2019 07:28 PM | Updated as of Sep 19 2019 08:16 PM

Watch more in iWantTFC

ALAMINOS CITY, Pangasinan — Hustisya ang panawagan ng pamilya ng transgender woman na karumaldumal na pinaslang sa isang beach sa Bolinao, Pangasinan noong Martes.

Ayon kay Jestoni Remiendo, masakit para sa kaniya ang sinapit ng 29-anyos niyang anak na si Jessa.

May taga sa leeg at kanang mata ang bangkay ni Jessa nang matagpuan ito sa Patar Beach sa Bolinao.

Pangatlo sa 7 magkakapatid si Jessa at itinuturing siyang bread winner ng pamilya.

Sabi ni Jestoni, kahit kailan ay hindi raw nila ikinahiya ang pagiging transgender woman ni Jessa.

"Napakabait ng anak ko, matulungin at mapagbigay 'yan... Kapag uuwi dito sa bahay binibigyan kami ng panggastos namin," ayon sa ama ni Jessa.

Sa imbestigasyon ng pulisya, natuklasan nila sa cellphone ni Jessa kung sino ang mga kainuman niya noong gabi bago siya matagpuang patay.

Kinilala ang 2 na sina Isagani Dollaga at Michael Orpano na pawang mga mangingisda sa Bolinao.

Kinasuhan na ng murder sina Dollaga at Orpano at pinaghahanap ngayon ng mga awtoridad.

Kinundena naman ng LGBTQIA+ group sa Pangasinan ang nangyari kay Jessa.

"Hindi namin matanggap ito, lahat kami nagluluksa... Lahat kami gustong sumigaw ng katarungan. Ang gusto lang namin magkaroon kami ng proteksiyon para hindi na maulit 'yung mga nakikita naming pinapatay," sabi ni Noreen Barber, presidente ng United Pangasinan Association LGBTQ+.

Magdiriwang na sana ng kaarawan si Jessa sa Setyembre 30 kaya ayon sa pamilya Remiendo, tatapusin nila ang birthday bago ilibing ang biktima.


—Ulat ni Elaine Fulgencio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.