Dahil sa pandemya: Mga sementeryo, columbarium sa bansa sarado muna sa Undas

ABS-CBN News

Posted at Sep 18 2020 02:22 PM

MAYNILA - Isasara ang lahat ng sementeryo at columbarium sa buong bansa sa panahon ng Undas - mula Oktubre 29 hanggang Nobyembre 3 - ngayong may banta pa rin ng COVID-19, ayon sa Malacañang. 

Ito ay para maiwasan ang pagdagsa ng mga tao sa iba’t ibang lugar tuwing Undas, kung saan laging inaasahan ang tinatawag na “exodus” ng mga taong luluwas ng probinsiya para mabisita ang mga yumaong mahal sa buhay sa mga sementeryo. 

"Lahat ng mga pribado at pampublikong mga sementeryo at memorial parks ay isasara sa mga bisita mula Oct. 29 hanggang Nov. 4, 2020," ani Presidential Spokesman Harry Roque sa isang press briefing. 

Hinikayat ng gobyerno na dumalaw na lang ang mga tao bago at pagkatapos ng mga araw ng pagsasara ng mga sementeryo. 

Una nang nagpasya ang ilang lokal na pamahalaan sa Metro Manila na isara ang mga sementeryo nila sa Undas para maiwasan ang dagsa ng mga tao. 

Nauna rito ang Maynila, kung saan naroon ang Manila North Cemetery, isa sa pinakamalalaking sementeryo sa Kamaynilaan. 

Ngayong may coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic, limitado pa rin ang paggalaw ng mga tao at ipinapatupad ang mga minimum health standard gaya ng physical distancing para maiwasan ang hawahan ng sakit.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.