MMDA humiling ng 'police power' para mabigat na trapiko masolusyonan

ABS-CBN News

Posted at Sep 18 2019 07:35 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Humiling ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na mabigyan sila ng police power para maging mas epektibo ang mga enforcer sa pagpapaluwag ng trapiko.

Para kay MMDA traffic czar Bong Nebrija, hirap silang solusyonan ang problema sa mabigat na daloy ng trapiko dahil walang pangil ang kapangyarihang ibinigay sa kanila ng batas.

"Right now, kami lang ang ahensiya na 'di puwedeng mangumpiska ng lisensiya. So 'yan 'yong problema namin, unlike 'yong mga local government, they could confiscate licenses," ani Nebrija.

Kaya hindi nirerespeto ng mga motorista ang traffic enforcers ng MMDA ay dahil hindi naman nakukumpiska ng mga ito ang lisensiya, ayon kay Nebrija.

"For example, mga public utility bus drivers, 'yan ang hanapbuhay nila and yet they are the highest violators in EDSA," ani Nebrija.

"There are some that go as high as 98 violations sa non-contact [apprehension], hindi pa nila binabayaran and yet we cannot confiscate," dagdag ni Nebrija.

Pero ayon kay Marikina Rep. Bayani Fernando, dating MMDA chairman, may kapangyarihan ang MMDA dahil mandato sila sa batas na mamahala sa trapiko.

Kontra rin si Fernando na bigyan ng police powers ang MMDA na gagamitin sa pag-aresto ng mga pasaway na motorista.

"I would not recommend it because they lack the training to do that," ani Fernando.

Hindi rin simpleng trabaho ang pagbigay ng police power sa MMDA, ayon kay Senate President Vicente "Tito" Sotto III.

"We will have to amend the MMDA law," ani Sotto.

Ang nakikitang solusyon ngayon ng ilang mambabatas ay dagdagan ang budget ng MMDA para maka-recruit ng dagdag na taong tutulong sa pagmamando sa mga kalye at mapasuweldo nang maayos ang mga empleyado ng ahensiya. -- Ulat ni Jorge Cariño, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.