4 na empleyado ng gobyerno, timbog sa droga sa Davao Region

Paul Palacio, ABS-CBN News

Posted at Sep 18 2019 09:57 PM

DAVAO CITY - Umabot sa 11 indibidwal ang naaresto sa magkahiwalay na operasyon kontra droga sa Davao Region.

Unang naaresto ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency XI sa buy-bust operation ang anim na tao sa isang resort sa bayan ng Malalag, Davao del Sur, Martes ng gabi.

Ayon sa PDEA, 4 sa nahuli ay kawani ng provincial government ng Davao del Sur.

Nakuha sa anim na suspek ang mahigit P200,000 halaga ng hinihinalang shabu.

Samantala, 5 suspek ang naaresto sa isang buy-bust operation sa C.M. Recto Street sa Davao City Miyerkoles ng umaga.

Naabutan sa loob ng inn ang 5 tao. Apat sa kanila ay naaktuhang gumagamit ng shabu. Nagpositibo din sa drug test ang apat na suspek.

Isa sa mga naaresto si Alyas "Madam" na target ng operasyon. Nauna na siyang naaresto noong nakaraang taon dahil rin sa pagkakasangkot sa ilegal na droga at kalalabas lamang mula sa kulungan noong nakaraang buwan.

Ayon kay Atty. Behn Joseph Tesiorna, ang Assistant Regional Director ng PDEA-XI, modus ng mga nagtutulak at gumagamit ng ilegal na droga ang pag-renta sa inn para hindi agad matiktikan ng mga awtoridad.

Mahigit P200,000 halaga ng hinihinalang shabu ang nakumpiska ng mga tauhan ng PDEA sa 5 suspek.

Inihahanda na ng PDEA ang kaso laban sa mga suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.