Lupa, mano-manong hinuhukay para sa mga natabunan sa Itogon

ABS-CBN News

Posted at Sep 17 2018 09:00 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA -- Kinakamay at pinapala na ng mga tao ang lupa at putik sa pagpapatuloy ng pagsisikap nitong Lunes na mailigtas ang mga minerong natabunan ng gumuhong lupa sa Barangay Ucab sa bayan ng Itogon, Benguet.

Umabot na sa 12 bangkay ang nahukay habang 54 ang patuloy na pinaghahanap, ayon sa command center sa Itogon na nagbabantay sa rescue operation. Ito ay matapos matabunan ng lupa ang dalawang bunkhouse ng mga small-scale miner, isang maliit na simbahan, at ilang barong-barong sa Barangay Ucab matapos ang tuloy-tuloy na ulang dulot ng bagyong Ompong. 

Kahit pa nanghihina sa kaba at perwisyong idinulot ng pinakamalakas na bagyong dumaan sa bansa nitong taon, ang ilan sa mga kaanak ng mga nawawala ay sumali na rin sa paghahanap.

Dahil hindi makapasok ang mga malalaking equipment, nagtiyaga ang mga rescuer sa paggamit ng mga pala, piko, at maging ng kanilang mga kamay.

"Mahirap din eh saka 'yong daan papunta doon medyo maputik at matarik," sabi ni Senior Inspector Jesus Yango, isang fire marshall na tumutulong sa operasyon.

Dagdag pa sa pahirapang paghahanap ang lawak ng pinangyarihan ng landslide at kondisyon ng lupa.

Habang mainit kasi ang panahon, tumitigas ang lupa kaya kailangang sabayan ng pagbobomba ng tubig ang paghuhukay.

Watch more in iWantTFC

Ayon kay Lieutenant Colonel Joel Sobrera ng 525 Engineering Combat Battallion ng Philippine Army, hindi dapat sila mawalan ng pag-asang mahanap ang mga nawawala dahil nakakawalang-gana raw ito.

"Hindi tayo puwedeng mag-give up kasi once na we lose that hope, bababa na rin 'yong effort, eagerness mo na magkuha," ani Sobrera.

Umaasa rin ang ilan sa mga kaanak na makitang buhay ang kanilang mga mahal sa buhay, at hindi nakabalot sa body bag.

Iyong namang mga tanggap nang wala na ang kanilang mga kaanak, nais na lang na makapagbigay ng maayos na libing.

Biyenan ang sumalubong sa bangkay ng isang lalaking nahanap nitong Lunes mula sa ilalim ng malaking pader dahil hanggang ngayon ay nawawala pa rin ang asawa at mga anak nito. 

"Lahat sila nandoon sila sa loob. Wala akong magawa kahit mahirap sa puso ko, wala akong magawa. Diyos ang bahala," ani Piong Badangayan, biyenan ng lalaking bangkay.

Watch more in iWantTFC

LANDSLIDE SA UCAB, PINAIIMBESTIGAHAN

Pinaiimbestigahan naman ng ilang pro-environment groups ang nangyaring landslide sa Barangay Ucab kung saan ilang minero ang kabilang sa mga narekober na bangkay.

Nais nilang malaman kung may pananagutan ang Benguet Corporation na isa umano sa may pinakamalaking operasyon sa Benguet.

Isa ang Benguet Corporation sa mga ipinasasara ni dating Environment Secretary Gina Lopez noong 2017 matapos lumabas sa audit report ang mga paglabag nito gaya ng pag-abandona umano nang walang rehabilitasyon sa Antamok area matapos itigil ng kompanya ang operasyon doon.

Ayon sa Alyansa Tigil Mina, posibleng ang mga biktima ay mga minero sa subcontractors ng Benguet Corporation.

"May mga ebidensiya o may mga kuwento na 'yong Benguet Corporation ay pumasok sa agreement o subcontracting sa mga small-scale mine workers sa mga minahan kaya daan-daang minero na pumapasok sa iba't ibang butas ang nag-o-operate doon," ani Alyansa Tigil Mina National Coordinator Jaybee Garganera.

Sa pahayag ng Benguet Corporation, sinabi nitong karamihan sa mga biktima ay small-scale miners na ilegal na nag-operate sa kanilang Antamok claims at walang pahintulot ng kompanya.

Sinabi rin ng Benguet Corporation na noong dekada 90 pa tumigil ang operasyon nila sa Antamok. Doon na raw pinasok ng small-scale miners ang lugar kahit binalaan at pinaalis nila ang mga ito.

Namahagi pa rin daw ang Benguet Corporation ng medical assistance at tulong para sa rescue operations sa Itogon.

Samantala, ipinag-utos ni Environment Secretary Roy Cimatu ang pagtigil sa operasyon ng mga small-scale miner sa rehiyon ng Cordillera kasunod ng mga serye ng pagguho ng lupa sa Itogon.

-- Ulat nina Raphael Bosano, Justin Aguilar, at April Rafales, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.