Cardema umatras sa pagiging Duterte Youth nominee

ABS-CBN News

Posted at Sep 16 2019 04:16 PM

Pormal nang iniatras ni Ronald Cardema ang nominasyon niya bilang kinatawan ng Duterte Youth party-list.

Sa kaniyang Notice of Withdrawal noong Setyembre 13, idinahilan ni Cardema sa pag-atras ang aniya'y "public harassment" ni Commission on Elections (Comelec) Commissioner Rowena Guanzon.

Sinabi ni Cardema na bagaman umaasa siyang papanig ang Comelec en banc sa inihain na motion for reconsideration ng kanilang partido, minabuti na lang niyang iatras ang pagiging nominee para maprotektahan ang kanilang partido mula kay Guanzon.

Sa isang post sa Twitter, kasama ang kopya ng withdrawal notice ni Cardema, tinawag ni Guanzon na "stupid" ang dating youth commissioner.

"Ako pa rin [d]aw ang dahilan. Stupid," sabi ni Guanzon sa tweet.

Noong Agosto, kinansela ng Comelec First Division ang nominasyon ni Ronald Cardema bilang first nominee ng Duterte Youth party-list.

Hindi raw kasi kalipikado ang 34 anyos na si Cardema para maging kinatawan ng grupo sa Kamara.

Sa ilalim ng batas, dapat ay nasa edad 25 hanggang 30 anyos ang mga nominado na kakatawan sa youth sector.

Inakusahan din noon ni Cardema si Guanzon ng paghingi ng pera at pabor kapalit ng accreditation ng party-list group.

-- May ulat ni Johnson Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.