Ilang lungsod sa Metro Manila, mawawalan ng tubig

Jekki Pascual, ABS-CBN News

Posted at Sep 16 2018 02:41 AM

Kahit maraming tubig ang bumuhos nitong nakalipas na mga araw, maraming barangay sa Metro Manila pa rin ang mawawalan ng tubig simula alas-3 ng umaga hanggang alas-3 ng hapon ngayong Linggo.

Ayon sa Maynilad, dahil sa bagyong Ompong, hindi naging maganda ang kalidad ng tubig sa Ipo dam, kaya kinailangan magbawas ng tubig na dadaan sa water-treatment plant.

Dahil dito, makakaranas ang ilang barangay ng low pressure hanggang sa walang water supply.

Kabilang dito ang ilang barangay sa Maynila gaya ng Barangay 33 at 34, at 187 hanggang 193; Barangay Magallanes sa Makati, ilang barangay sa Las Piñas, Pasay at Parañaque gaya ng Baclaran at Moonwalk.

Apektado rin ang Quezon City kabilang ang Veterans Village, Bahay Toro, Katipunan, Maharlika, Sangandaan, Sauyo, Tandang Sora at iba pa.

Apektado rin ang ilang barangay sa Navotas, Malabon, Caloocan at ilang barangay din sa Bacoor at Imus sa Cavite.

Tumawag sa Maynilad hotline 1626 para sa karagdagang impormasyon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.