Mga nakasuot ng hijab, dadaan sa masusing body inspection sa Davao City

Bonna Pamplona, ABS-CBN News

Posted at Sep 15 2019 10:34 PM

DAVAO CITY - Walang pinapalusot na pasahero na sakay ng bus pagdating sa Task Force Davao checkpoint sa Barangay Sirawan sa Toril district.

Isa-isa silang dumadaan sa walk through scanner habang ang kanilang mga bagahe ay idinadaan sa X-ray scanner.

Pero may bagong sistema na ipinapatupad ang mga sundalo ng TF Davao sa pag-i-inspeksyon ng mga babaeng Muslim lalo na ang mga nakasuot ng hijab at Abaya Anjou.

Naglagay ang mga awtoridad ng isang cubicle inspection area na para lang sa mga babaeng Muslim.

May babaeng sundalo rin na itinalaga na sila lang ang puwedeng magsagawa ng body inspection sa mga babaeng Muslim bilang pagrespeto sa kultura at tradisyon nila.

Pabor naman dito ang Dabawenyang Maranao na si Haja Norhana.

"Hindi man alam ng mga tao kung ano ang nasa puso nila, masama o 'di masama. Pwede, patakaran naman 'yan kasi para maging mapayapa ang komunidad," ani Norhana.

Ayon kay Col. Consolito Yecla, ang commander ng Task Force Davao, ang paglagay ng cubicle inspection area sa mga checkpoint ay paraan para mapigilan ang anumang masamang balak

Iniiwasan na mangyari ang tulad sa pambobomba sa Indanan, Sulu noong Setyembre 8 kung saan sinalakay ang kampo ng 35th Infantry Battalion ng suspek na nakasuot umano ng hijab.

"Ang scheme natin sa Davao, para 'di tayo mapasukan ng bomba. Lahat naman talaga ang dumadaan is under inspection. It means we are not excusing yung mga naka-hijab, but to ensure their privacy to be protected based sa Muslim religious belief, sila ay maproteksyonan against the eyes of men. We created 'yung curtain-type inspection areas," paliwanag ni Yecla.

Kasali rin sa nilagyan ng cubicle inspection area ang Davao City Transport Terminal at ang isa pang check point nito sa may Barangay Lacson sa Calinan, Davao City.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.