SOCO: Mag-lola pinagsasaksak nang looban ang bahay sa Malabon

ABS-CBN News

Posted at Sep 14 2019 01:06 PM

 

Patay ang isang 14 anyos na lalaki habang nasugatan ang kaniyang 58 anyos na lola nang pagsasaksakin ng dalawang lalaki sa loob ng kanilang bahay sa Barangay Longos, Malabon noong Agosto 18.

Hindi na umabot nang buhay sa ospital ang binatilyo na si "Andrew" sa lubha ng tinamong pinsala sa katawan.

Masuwerte namang nakaligtas ang 58 anyos niyang lola na si "Elizabeth" sa kabila ng tinamong 36 na saksak.

Sa simula pa lang, magkasama na sa iisang tahanan ang mag-lola. Kampante rin sila noon na ligtas ang lugar.

"Tiwala kami sa lugar na 'yon. Wala kaming pangamba. Tahimik po do'n sa lugar na ‘yun kaya nga diyan po ako bumili ng bahay. Mga kapitbahay ko, okay din," kuwento ni Elizabeth.

Pasado alas-4 ng madaling araw nang mangyari ang insidente, ayon kay Elizabeth.

"Naglinis kami ng buong bahay namin. Nagpagawa ako ng bahay. Kakatapos lang no’ng araw na ‘yun. Tapos natulog na kami mga alas-2 [ng umaga]. Sa sala po do’n kami natutulog. Siya sa sahig, ako sa silya,” sabi ni Elizabeth.

"Nagising ako… iihi ako. [Pagbangon ko] para iihi na ako, nakita ko nga ‘yung tao doon sa hagdanan," dagdag niya.

Bigla na lamang daw siyang inundayan ng saksak ng lalaki.

Nang magising si Andrew sa komosyon, tumulong na raw ito sa pakikipaglaban sa mga kawatan.

"Puro siya, ‘Lola! Lola! Lola! Lola! Ginilitan niya ‘yung apo ko. Dalawang beses. Naramdaman ko, nung ‘di na siya nag-‘lola’, alam ko, wala na siya," sabi niya.

Laking gulat ang nadama ni Elizabeth nang mapagtantong kakilala pala niya ang suspek.

Natanggal kasi ni Andrew ang takip na damit sa ulo sa isa sa mga kawatan bago mawalan ng malay.

"Sabi ko, kilala ko 'tong boses na 'to. Kilala ko ‘to sabi ko. Bakit ikaw? Sabi ko, bakit ikaw ang gumawa?" ani Elizabeth.

Sundan ang buong kuwento sa “SOCO: Scene of the Crime Operatives” ngayong Sabado, 4:15 p.m. pagkatapos ng “Ipaglaban Mo!” sa ABS-CBN.

Para sa karagdagang detalye, sundan ang “SOCO” sa Facebook at Twitter (@SOCOtv).

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.