3.6 milyong sako ng NFA rice sinimulan nang ibuhos sa mga pamilihan

ABS-CBN News

Posted at Sep 13 2019 10:02 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Inumpisahan ngayong Biyernes ng Department of Agriculture (DA) ang pagbuhos ng milyon-milyong sako ng bigas ng National Food Authority (NFA) sa mga pamilihan upang mapababa ang presyo ng commercial rice.

Pero nangangamba ang ilang magsasaka na baka baratin sila ng traders para matapatan ang presyo ng NFA rice.

Nasa 3.6 milyong sako ng NFA rice ang target ilabas ng DA sa mga pamilihan sa loob ng isang buwan para mahila umano ang presyo ng commercial rice, na nasa P32 hanggang P50 pataas pa rin ang presyo kada kilo.

Ayon kay Agriculture Secretary William Dar, layon na bumaba na sa P27 hanggang P37 ang presyo ng NFA rice. Sa ngayon, nasa P32 hanggang P50 ang presyo ng NFA rice.

May iniimbestigahan na rin kaugnay ng umano'y pagho-hoard o pagtatago ng bigas, dahilan kaya hindi bumababa ang presyo ng commercial rice, ayon kay Dar.

"They are under investigation by the Philippine Competition Commission," ani Dar.

Pero para sa grupong Federation of Free Farmers, lalong babagsak ang presyo ng palay ng mga magsasaka dahil babaratin ito ng traders para matapatan ang presyo ng NFA rice sa merkado.

Nauna nang idinaing ng mga magsasaka sa ilang lalawigan ang pagsadsad ng presyo ng palay sa P7 hanggang P11 kada kilo mula P17 hanggang P20 noong 2018.

Nanawagan naman ang grupong Bantay Bigas na taasan ang bili sa lokal na palay at huwag ipako sa P19 kada kilo.

Sa Iloilo, sinabi ng grupong Bukluran ng Progresibong Magbubukid ng Pilipinas (BMPM) Panay na kahit mas mataas ang P19 na bili ng NFA sa kanilang palay kaysa sa pagbili ng traders, umaasa silang mananatili sa P20.70 ang buying price ng NFA.

Sa Misamis Oriental, ilang magsasaka na ang pinag-iisipan umanong ibenta sa NFA ang mga palay kaysa malugi sa mas mababang presyo ng traders.

Ayon sa DA, kinailangan nilang babaan sa P19 mula P20.70 ang bili sa lokal na palay para mas madami pa silang mabiling palay sa limitadong budget na mayroon sila.

-- Ulat nina April Rafales at Kevin Manalo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.