Seguridad sa QC pinaplantsa na para sa pagpasok ng 'ber' months

ABS-CBN News

Posted at Sep 09 2020 12:45 PM

MAYNILA - Ihinahanda na ng lokal na pamahalaan ng Quezon City ang kanilang planong pang-seguridad kahit pa man bumaba na ang crime rate ngayong may community quarantine sa Metro Manila dahil sa COVID-19 at papasok na ang "ber" months o ang Christmas season sa bansa. 

Ayon kay Quezon City Police Department director Police Brig. Gen. Ronnie Montejo, daragdagan nila ang mga ide-deploy na pulis sa mga matataong lugar tulad ng mga palengke, simbahan, mall, business establishment, MRT stations, at mga kalsada. 

Maglalagay din sila ng assistance desk sa mga matataong lugar. 

Palalakasin din aniya nila ang pagro-ronda ng mga police mobile, foot patrol, at mga bus marshal. 

Tutulong din ang mga pulis sa traffic management lalo na sa mga choke point o lugar sa nagsisiksikan ang mga sasakyan sa lungsod. 

Sa ngayon ay wala pa silang nakikitang banta sa seguridad, kasunod ng pagpapasabog na nangyari sa Jolo, Sulu. 

Pero hindi aniya sila nagpapakakampante at patuloy na pinaiigting ang anti-criminality operations at kampanya kontra ilegal na droga.

Paalala ng QCPD sa publiko na mag-doble ingat pa rin at maging alerto. 

Hinikayat din nila ang pag-report sa ano mang kahina-hinalang insidente lalo na ngayong "ber" months kung saan nagsusulputan ang iba't ibang modus. 

-- Ulat ni Raya Capulong, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.