KILALANIN: Pinoy na nag-volunteer sa COVID-19 vaccine trial ng UAE

ABS-CBN News

Posted at Sep 07 2020 04:47 PM

Sinabi ni Jeffrey Barra na gusto niyang makatulong para malaman kung epektibo ba ang mga dini-develop na bakuna. Screengrab

MAYNILA — Isa ang Pinoy engineer at dating ABS-CBN employee na si Jeffrey Barra sa maraming Pilipinong nag-volunteer sa COVID-19 vaccine trial sa United Arab Emirates (UAE).

Sa panayam ng TeleRadyo nitong Linggo, sinabi ni Barra na gusto niyang makatulong para malaman kung epektibo ba ang mga dini-develop na bakuna.

"Gusto kong bumalik yung dating normal na buhay kasi lahat nag-stop noong nagka-pandemic. Kailangan talagang mag-volunteer, kailangang may magsimula. Gusto ko isa ako sa mga magsisimula na yan. Syempre balang araw may puwede kang ibida sa mga anak mo, mga apo mo na oy, ako ang isa sa mga unang recipient ng vaccine," ani Barra.

Ayon kay Barra, ipinaliwanag naman sa kanya ang komposisyon ng ituturok na vaccine at sumailalim din sila sa ilang pagsusuri para matiyak na malusog at kwalipikadong lumahok sa trial.
    
Halos araw-araw aniya siyang tinatawagan ng mga awtoridad para ma-monitor ang kanyang lagay.
    
Nakatakdang makuha ni Barra ang ikalawang dose ng bakuna sa Setyembre 21.
    
Banggit pa ni Barra, target ng UAE na makapaglabas ng bakuna bago matapos ang taon o sa unang quarter ng 2021.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.