Lalaking sumaklolo sa ginugulping kaibigan patay sa pananaksak

ABS-CBN News

Posted at Sep 04 2019 03:30 PM | Updated as of Sep 04 2019 08:09 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Napatay sa San Pablo City, Laguna ang isang 20 anyos na lalaki matapos masaksak habang ipinagtatanggol ang kaniyang kaibigang napag-initan umano ng isang grupo.

Nasawi rin ang nanaksak na suspek na si Ariel Pangilinan nang makipagbarilan sa mga pulis.

Noong Sabado, naglalakad umano ang biktimang si Aeron Villaflores kasama ang kaniyang mga kaibigan sa may Barangay VII-B sa San Pablo bandang alas-11 ng gabi nang bigla silang sinugod ng grupo ni Pangilinan.

Target ng grupo ni Pangilinan ang kaibigan ni Villaflores na si Aldrin Paranigan, ayon kay Lt. Col. Eliseo Bernales, hepe ng San Pablo police.

Ilang beses sinuntok ng grupo ng mga suspek si Paranigan kaya sinaklolohan ito ni Villaflores, na sinaksak naman ni Pangilinan, ani Bernales.

"Naglalakad lang ang magkakaibigan. Biglang may lumapit na isang grupo rin ng mga kabataan... sinuntok na ang isang kasama ng biktima," ani Bernales.

"Ang dahilan nila ay nakursunadahan lamang nila ang mga batang dumaan," dagdag ng hepe.

Nakuhanan ng CCTV ang pag-atake ng grupo ng mga suspek at pananaksak kay Villaflores.

Isinugod sa opsital si Villaflores pero pumanaw ito kinabukasan.

Agad naaresto ang 3 sa 5 suspek, kabilang si Pangilinan at ang 2 menor de edad na ngayo'y nasa kustodiya na ng Social Welfare and Development Office ng San Pablo. 

Habang sumasailalim sa booking procedure noong Linggo, inagaw ni Pangilinan ang service firearm ng isang custodial officer at tumakas, ayon kay Bernales.

Sa hot pursuit operation, nakipagbarilan umano si Pangilinan sa mga pulis, na kaniyang ikinamatay, ani Bernales.

Patuloy ang pagtugis ng pulisya sa 2 kasamahan ni Pangilinan.

-- Ulat ni Bianca Dava, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.