May-ari ng pick-up na nakapatay sa frontliner: May nanghiram sa kotse ko

Jeck Batallones, ABS-CBN News

Posted at Sep 01 2020 04:20 PM


MAYNILA — Isinumbong sa pulisya ng babaeng may-ari ng pick-up na naka-hit-and-run sa isang nurse frontliner ang umano'y taong "nanghiram" daw ng kotse niya nang mangyari ang karumaldumal na aksidente noong Agosto 23.

Ayon sa may-ari ng sasakyan na si Saudah Bacaye, may nanghiram ng kotse niya nang gabing nabundol at tinakbuhan ang nagbibisikletang nurse frontliner na si Renz Perez sa Padre Burgos sa Maynila.

Sumuko noong nakaraang linggo si Bacaye pero iginiit ng kaniyang abogado na hindi siya ang nagmamaneho noong mapatay si Perez. 

Ayon sa kampo ni Bacaye, ibinigay na nila sa pulisya ang pangalan at numero ng taong "humiram" ng sasakyan. 

Frontliner sa ospital si Perez at dahil suspendido ang transportasyon bunsod ng COVID-19 pandemic, hirap itong pumasok sa trabaho. Kaya naman nagpabili na lang ito ng bisikleta para may magamit sa pagpasok sa ospital.

Nanindigan naman ang ama ni Perez na wala itong balak makipag-areglo kina Bacaye. 

Sa ngayon ay sinampahan na ng civil case si Bacaye habang hindi pa nasisiguro kung siya ba ang driver nang mangyari ang hit-and-run.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.