Paaralan malapit sa komunidad ng Ata Manobo, itinayo sa Davao del Norte

Cheche Diabordo, ABS-CBN News

Posted at Aug 29 2019 07:57 PM | Updated as of Sep 03 2019 09:33 PM

Itinayo ang Kamunuan Elementary School malapit sa komunidad ng Ata Manobo sa Davao del Norte. Cheche Diabordo, ABS-CBN News

KAPALONG, Davao del Norte - Hindi na mahihirapan sa paglalakad ng halos 25 kilometro ang mga estudyante sa Sitio Kamunuan sa Barangay Gupitan dito sa bayan dahil malapit na sa kanila ang paaralan.

Ito'y matapos itayo ang Kamunuan Elementary School na mas malapit sa komunidad, kung saan karamiha'y mga tribong Ata Manobo ang nakatira.

Ang paaralan ay itinayo ng Beatco Gioco Lottery
 
"Dahil mas malapit na ang eskuwelahan sa kanila, wala na silang rason para sabihin na hindi na sila mag-aral dahil malayo ang eskuwelahan. Napaka-importante nito para sa amin at sa kanila na rin," ayon kay Marlon Ebrado, District Supervisor ng Department of Education-Davao Del Norte.

Nasa 46 na estudyante ang nag-aaral sa bagong paaralan na may dalawang silid-aralan.

Nagsanay umano ang mga guro sa pagtuturo ng mga klaseng pinaghalo ang mga estudyante mula Grade 1 hanggang Grade 6.

Ang donor ay isang operator ng Small Town Lottery (STL) sa Davao Del Norte, na itinuloy pa rin ang proyekto kahit nasuspende ang operasyon.

"Hindi naging hadlang ang pagsuspende ng operation ng STL na na-lift na naman, sa pag-comply sa kanilang corporate social responsibility at charity assistance hanggang sa dulo ng mga barangay kahit walang mga STL outlet," ayon kay Ravena Joy Rama, chairman ng Philippine Charity Sweepstakes Office sa Davao del Norte.

Nangako naman ang mga estudyante na magsusumikap sa kanilang pag-aaral bilang kapalit sa tulong na ibinigay sa kanila.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.