'Kakulangan sa crisis management' sa NAIA, pinuna ng mga senador

ABS-CBN News

Posted at Aug 29 2018 08:48 PM

Watch more in iWantTFC

Pinuna ng mga senador nitong Miyerkoles ang umano'y "kakulangan" sa crisis management ng mga airline at awtoridad nang sumadsad ang eroplano ng Xiamen Airlines sa runway ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) noong Agosto 17. 

Ito ay matapos umamin ni Manila International Airport Authority (MIAA) General Manager Ed Monreal na hindi nila natulungan ang mahigit 200,000 pasaherong natengga sa paliparan nang maparalisa ang operasyon doon.

Bagaman walang nasaktan sa insidente, kinuwestiyon pa rin nina Senate public works committee chair Grace Poe at ni Sen. JV Ejercito ang pagliban ng mga airline officials sa mga pagpupulong ng MIAA tungkol sa crisis management ng sitwasyon. 

"Pasensiya na pero talagang pumalpak ang management ng airport dito," ani Poe. 

"Itong crisis management team ay hindi dapat voluntary basis ang pagpunta ng airport representatives," giit ni Poe tungkol sa hindi pagsipot sa crisis management meeting ng mga airline company. 

Nabatid din ng mga senador ang hindi pakikipag-ugnayan sa mga awtoridad ng umano'y "hindi awtorisadong" paglayag at pagdating ng 61 recovery flights na nagdulot pa umano ng iba pang flight cancellations dahil sa punong runway. 

Pinuna rin ang hindi agarang pag-update ng flight schedule monitors, na dahilan daw para maiwan ang ilang pasahero ng kanilang mga flight. 

Paliwanag ni MIAA General Manager Ed Monreal, may mga airline manager na hindi nagsabing darating ang kanilang mga arrival flight kaya umano napuno ang kanilang runway. 

"Dapat pinaalam sa 'min, at sinabi kung kailan papasok (ang mga eroplano), para maipasok po ang kanilang mga slot," ani Monreal. 

Base ito sa ipinataw na "24-hour rule" ng MIAA para ipaalam ng mga airline sa NAIA kung may biglang darating na mga arrival flight. 

Pero kinuwestiyon ni Sen. Nancy Binay ang kakulangan ng kaalaman ng mga awtoridad sa nangyari. 

“May nag-landing doon na 61 na hindi niyo alam? Technically, bahay niyo 'yun pero may pumasok nang hindi nagpapaaalam," Binay said.

Buwelta naman ni Poe na dapat munang tinalikdan ng MIAA ang nasabing polisiya sa pagtatanggap ng mga darating na pasahero, lalo na't marami raw ang naiwang stranded. 

Balak din pagmultahin ng MIAA ang mga lumabag na airline. 

Watch more in iWantTFC

Kakulangan sa accommodation, pakain, pinuna 

Tinira ni Poe ang hindi agarang pagbigay ng airline ng akomodasyon sa lahat ng mga apektadong pasahero, alinsunod sa Passenger Bill of Rights. 

Katuwiran ng mga airline na wala nang ma-book na hotel at kinailangan bigyang prayoridad ang mga senior citizen, persons with disabilities (PWD), at pasaherong may mga kasamang bata kaya may ilan pang magdamagang na-stranded na pasahero sa paliparan. 

"We provided hotel accommodations and transit to passengers as a rule. Unfortunately kinailangan din naming piliin 'yung those with children, at senior citizens," ani Philippine Airlines Senior Vice President Clara de Castro. 

Nanawagan si Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri na gamitin ang sinisingil na travel tax para makabili ng pansamantalang mga kama at unan para sa mga stranded, lalo na’t walang hotel sa loob ng airport na puwedeng tulugan ng mga pasahero. 

“Puwede ba nating bigyan ng 'onting tulong ang ating mga pasahero na meron silang stub or slip or whatever para makatulog sila nang mahimbing?” ani Zubiri, na nadamay rin sa aberya sa NAIA. 

Tugade, nag-sorry sa aberya 

Humingi ng paumanhin si Department of Transportation (DOTr) Secretary Arthur Tugade matapos ang aberyang dinulot ng pagsara ng NAIA. 

"Humingi ako ng paumanhin sa aberyang dinulot ng insidente. Humihingi ako ng paumanhin sa ating mga kababayang magbabakasyon sana. Nagpapaumanhin ako sa mga overseas Filipino workers (OFW) na hindi umabot sa kanilang flights," aniya.
 

Pero iginiit ni Tugade na hindi naging madali ang pagtanggal ng eroplano mula sa runway, na nagtagal doon ng 36 oras. 

Bukod sa paglambot ng lupa dulot ng ulan noong gabing iyon, kinailangan ding maselan ang pagbuhat ng eroplano, na may kargang 4 toneladang gasolina na maaaring sumabog kapag mali ang pagkabuhat. 

Ilang beses pang bumigay ang inarkilang crane kaya inabot sila ng ganoong katagal bago tuluyang natanggal sa runway ang eroplano. 

"Sa totoo lang, kung ulan lang problema, napadali ang aming trabaho. Ngunit hindi lamang ito ang kinaharap namin," aniya. 

Sa kabila nito, pinuri ni Zubiri ang bilis at maayos ng pagkilos ng mga awtoridad sa pag-angat ng eroplano patungo sa runway. 

"Kung sumabog po iyon, baka magkaroon pa tayo ng problema, baka dalawang linggong naiwan diyan ang eroplano," ani Zubiri. 

-- May ulat ni Robert Mano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.