2 patay sa magkahiwalay na engkuwentro sa Caloocan

ABS-CBN News

Posted at Aug 28 2018 05:12 AM | Updated as of Aug 28 2018 06:06 AM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA - Patay ang 2 lalaki sa magkahiwalay na engkuwentro sa Caloocan City Lunes ng gabi.

Nanlaban umano sa mga pulis si Rodel Tanyag sa buy-bust operation sa Barangay 73.

Ayon kay Senior Insp. Cecilio Tomas Jr. ng Caloocan City police, nagpaputok umano ang suspek nang mahalata niyang pulis ang kaniyang katransaksiyon.

Nakuha kay Tanyag ang ilang pakete ng hinihinalang shabu, weighing scale, at baril.

Ayon kay 73 Barangay Chairman Joven Llena, kakalaya lamang ng suspek dahil din sa ilegal na droga.

Samantala, napatay ng mga pulis ang isang lalaki matapos umano itong mangholdap sa Barangay Bagong Silang.

Nagpaputok umano ang suspek nang maispatan ng mga pulis. Wala pa itong pagkakakilanlan.

Kuwento ng biktima, naglalakad lamang siya nang holdapin ng suspek. Nakuha sa kaniya ang cellphone at P1,500.

Positibong kinilala ng biktima ang lalaki na siyang nangholdap sa kaniya. - Fred Cipres, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.