Lalaking nangholdap ng estudyante sa Malate, arestado

ABS-CBN News

Posted at Aug 27 2019 04:28 AM

MAYNILA—Arestado ang isang lalaking nangholdap umano sa isang estudyante sa Malate, Maynila Lunes ng gabi.

Kinilala ang suspek na si Eric Dela Fuente, 35 anyos, na dati nang nakulong dahil sa kasong droga.

Kuwento ng 18 anyos na biktima, naglalakad siya sa Dominga St. habang ginagamit ang cellphone nang magdeklara ng holdap ang suspek.

"Tinutukan niya po ako ng baril. Puputukan niya daw po ako 'pag hindi ko binigay cellphone ko pero hindi ko binitawan. Nakipag-agawan po ako," aniya.

Nataranta ang suspek habang umalis naman palayo ang kaniyang kasabwat na naka-motorsiklo.

Nahuli ng mga nagpapatrolyang pulis si Dela Fuente at nadiskubreng laruan ang dala nitong baril. 

Nakuhanan naman siya ng 2 pakete ng hinihinalang shabu at isang granada nang kapkapan.

Depensa ng suspek, pantustos umano niya sa kaniyang sakit na tuberculosis ang pagtutulak at panghoholdap.

"Kailangan ko lang po ng pambili ng gamot," aniya.

May paalala naman ang pulisya sakaling mabiktima ng ganitong krimen.

"Hindi natin ine-encourage 'yung ginagawa ng bata na nakikipag-agawan pa. Kasi alam mo naman 'yang mga kriminal na 'yan lalo na 'pag nasa impluwensiya ng droga, maaaring barilin na," ani Police Lt. Col. Richard Ian Ang ng Malate police.

Sasampahan ng kasong robbery at illegal possession of drugs and explosives si Dela Fuente habang pinaghahanap ng mga pulis ang kaniyang kasabwat.—Ulat ni Lady Vicencio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.