UPLB, top performing school sa veterinarian board exams

Mariz Laksamana, ABS-CBN News

Posted at Aug 24 2018 05:23 AM

LAGUNA - Itinuring na top performing school ang University of the Philippines Los Baños (UPLB) sa katatapos lamang na veterinarian licensure exam.

Nakuha ng UPLB ang passing rate na 93.55 percent. Nakapasa rin bilang top 8 at top 10 ang 2 graduate sa paaralan.

Ayon sa pamunuan ng UPLB, malaki ang inaasahan sa kanilang performance lalo pa't isa sila sa itinuturing na center for excellence in veterinary medicine.

"Kaya ako ay tuwang-tuwa siyempre hindi lang ako kundi lahat ng constituents ng College of Veterinary Medicine (CVM) na ma-recognize ang UPLB-CVM as the lone top performing school," ani Dr. Eduardo Torres, dean ng UPLB-CVM.

Para maituring na top performing school, kailangang 50 o higit pang estudyante ang board exam takers at maabot ang passing rate na 80 percent pataas.

Hamon naman ng unibersidad sa mga bagong ganap na veterinarians na makagpabalik sila ng serbisyo sa bayan.

Bagay na handang gampanan nina Shaira Mitchie Ortiz at Alay Maria Consuelo Paz na nakapasa bilang top 8 at top 10 sa board exam.

"Plano ko pong magbigay-serbisyo sa gobyerno o kaya sa small animal field sa veterinary medicine," ani Ortiz.

"Definitely I'm not closing doors to study again and then what I learned from the outside, I want to bring it to the country," pahayag naman ni Paz.