'Salisi sa load': Babaeng nagbayad ng P20 para sa P1,000 load timbog

ABS-CBN News

Posted at Aug 21 2018 07:53 PM | Updated as of Aug 22 2018 01:36 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Arestado ang isang babae matapos itong mahuling nanloloko sa paloadan sa Tayuman, Maynila nitong Sabado. 

Sa kuha ng CCTV, makikitang nagpapa-load ang babae kaya't hiningi niya ang cellphone ng tindero upang ilagay ang kaniyang number. 

Halagang P20 ang ibinayad ng babae pero naghinala ang tindero dahil ang tagal umano ibalik ng suspek ang cellphone.

Nang i-check ng biktima ang balanse ng kaniyang load, natuklasan niyang nakapaglipat na ng P1,000 halaga ang babae bago pa mai-load ang P20 sa kaniyang numero.

"Napansin ko pagbalik niya ng cellphone sa akin ang tagal...Naghinala ako," ayon sa biktimang si Dave Reyes. 

Hinabol ni Reyes ang suspek at nang komprontahin ay sinubukan pa nitong tumakas pero nasakote rin. 

Napag-alamang may 3 pang tindahang nabiktima ang suspek at ilang beses na siyang nakulong dahil sa nasabing modus.

Aminado ang suspek sa nagawang krimen. 

Katuwiran niya, binebenta rin niya ang load na nakukuha para pangtustos sa 6 niyang anak.

Muling mahaharap sa kasong swindling ang suspek. - Ulat ni Zyann Ambrosio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.