3 araw na calibrated lockdown ipinatupad sa Parañaque compound

ABS-CBN News

Posted at Aug 20 2020 01:55 PM

MAYNILA - Isinailalim sa 3 araw na "calibrated containment lockdown" simula ngayong Huwebes ang isang compound sa Parañaque City dahil sa dami ng naitalang kaso ng coronavirus disease (COVID-19).

Nasa 22 ang positibong kaso ng respiratory disease sa Silverio Compound sa Barangay San Isidro, na tinitirhan ng 10,000 residente, ayon kay city administrator Ding Soriano.

Mataas ang tsansa ng pagkalat ng virus sa naturang komunidad dahil magkakadikit ang mga bahay roon.

Inilagay umano sa lockdown ang lugar para bigyang daan ang pag-swab at rapid test sa mga residente at disinfection.

Ang lahat ng pangangailangan ng mga residente ay ibibigay ng pamahalaang lungsod at barangay sa panahon ng lockdown.

Sa ilalim ng lockdown, mahigpit na ipinagbabawal ang paglabas ng mga residente sa kanilang mga bahay maliban kung empleyado ng gobyerno at health worker.

Papayagan din umano lumabas ang mga manggagawa pero kailangan magpakita ng company ID o certificate of employment.

Puwede rin umanong kumuha ng certificate of containment ang mga empleyado na hindi makapapasok sa kanilang mga trabaho dahil sa lockdown.

Pansamantala rin daw walang bisa ang quarantine pass sa panahon ng lockdown.

Sa huling tala ng Parañaque government, 96 ang aktibong kaso ng COVID-19 sa buong Barangay San Isidro.

-- Ulat ni Fred Cipres, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.