Selos sinisilip sa pamamaril ng pulis sa kapwa pulis

ABS-CBN News

Posted at Aug 20 2019 03:57 PM | Updated as of Aug 20 2019 06:53 PM

Selos umano ang dahilan kaya binaril at napatay ng isang miyembro ng Special Action Force (SAF) ang kaniyang commanding officer sa loob ng Camp Bagong Diwa sa Taguig City.

Watch more in iWant or TFC.tv

Ayon kay Col. Alexander Santos, hepe ng Taguig police, posible umanong nagselos si Master Sgt. Sanwright Lobhoy nang malamang tinawagan ng kaniyang misis sa telepono ang napatay na si Maj. Emerson Palomares.

Binaril si Palomares sa loob mismo ng kaniyang opisina sa Camp Bagong Diwa bago mag-alas-5 ng hapon noong Lunes.

Base sa imbestigasyon, ipinatawag ni Palomares si Lobhoy sa kaniyang opisina pero nauwi sa pagtatalo ang kanilang pag-uusap.

Matagal nang magkasama sa SAF sina Sanwright at Palomares. Nagsama rin sila sa misyon sa Marawi.

Dahil sa insidente, sinabi ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Maj. Gen. Guillermo Eleazar na dapat dalasan ang pagsasailalim ng mga pulis sa neuro-psychiatric exam.

Tumanggi nang magbigay ng pahayag si Sanwright, na nasa kustodiya ng SAF at nahaharap sa kasong murder.

-- Ulat ni Jerome Lantin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.