120 Chinese workers sa Bataan, naitalang nagka-dengue

ABS-CBN News

Posted at Aug 20 2019 03:21 PM | Updated as of Aug 20 2019 03:39 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Umabot sa 120 Chinese workers na nagtatrabaho sa isang coal plant ang naging biktima ng sakit na dengue sa Mariveles, Bataan.

"120 ang cases ng mga Chinese nationals na nagkaroon ng dengue simula po ng January hanggang August 15, 2019," ayon kay Dr. Rosanna Buccahan, hepe ng Bataan Provincial Health Office.

Sabi ni Buccahan, buwan ng Mayo nang una nilang matanggap na may 96 Chinese workers ang nagkaroon ng dengue kaya't agad silang umaksiyon.
 
"Nagkaroon kami ng 3 cycles ng fogging operation sa area. At the same time, tinuturuan natin sila kung paano maglinis ng kanilang accommodation. Pati yung kanilang mga CR...kung paano sila magkaroon ng better hygiene para hindi sila kagatin ng lamok," sabi ni Buccahan.

Pero matapos ang dalawang buwan, naulit umano ulit ito at nagkaroon ng 24 bagong kaso ng dengue ang naitala sa hanay ng mga Chinese worker.

"Mape-prevent naman po ito, panatilihin lang ang kalinisan ng kapaligiran at pangangatawan," sabi niya.

Ang mga Chinese national ay pawang nagtatrabaho sa GN Power pero wala naman aniyang mga Pilipinong manggagawa doon na naitalang nagka-dengue.

"Napakalaking difference po pagdating sa kalinisan at doon sa paano po nila mine-maintain na hindi magkaroon ng breeding sites 'yung kanilang mga accommodations," paliwanag niya.

Nasa 989 ang kaso ng dengue na naitala sa buong lalawigan ng Bataan mula Enero hanggang Agosto 15, 2019. Mas mababa pa ito ng 21 porsyento kumpara noong nakaraang taon sa parehong panahon. - May ulat ni Rod Izon, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.