2 pulis sugatan sa pananambang sa Patikul, Sulu

Zhander Cayabyab, ABS-CBN News

Posted at Aug 19 2019 03:54 PM

MAYNILA - Sugatan ang 2 pulis matapos tambangan sa bayan ng Patikul, Sulu nitong Lunes ng umaga, ayon sa mga awtoridad.

Ini-escortan ng Sulu Provincial Police ang mga guro mula Department of Education sa Barangay Igasan nang paulanan ng bala ng mga bandido.

Tinamaan sa kamay si Police Corp. Angelo Canapi habang nadaplisan sa ulo si Patrolman Nijar Awwalon.

Dinala ang dalawa sa Kampo Heneral Teodulfo Bautista Station Hospital sa Jolo, Sulu.

Naniniwala ang pulisya na mga miyembro ng Abu Sayyaf ang nasa likod ng pananambang.

Inatasan ni Philippine National Police chief Gen. Oscar Albayalde ang BARMM police sa pangunguna ni Brig. Gen. Marni Marcos na imbestigahan ang insidente at tugisin ang mga salarin.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.