Chinese timbog sa pagbebenta ng 'sirang' gadget

ABS-CBN News

Posted at Aug 17 2018 07:14 PM | Updated as of Aug 17 2018 07:39 PM

Arestado ang isang Chinese sa Bacoor, Cavite matapos umanong manloko ng mga residente sa naturang lugar. 

Kinilala ng Bacoor police ang suspek na si Bangrong Huang na inaresto ng mga tanod ng barangay Panapaan Uno nitong Huwebes matapos bentahan ng mga peke at sirang gadget ang ilang residente. 

Sira ang parehong gadget na binenta ng Chinese national sa isang babae sa Bacoor, Cavite sa halagang P21,000. Screenshot

Kuwento ni alyas "Rica," humingi ng tulong sa kanilang barangay si Huang matapos umanong maubos ang pera dahil natalo ito sa casino.

"Sabi ko bakit ang mura? Sabi niya kailangan daw niya kasi talaga ng pera," aniya.

Kumagat si Rica at matapos ibigay ang pera ay dali-dali nang umalis ang Chinese.

Ayon sa pulisya, maaring may kasabwat pa ang Chinese at siya lamang ang naglalako sa mga residente. Screenshot

Pero nang subukan ng biktima ang cellphone, namamatay ito kapag pinapasukan ng SIM card habang ang laptop naman ay walang ma-download na application. 

Hinabol ni Rica ang suspek at doon suwerteng naabutan niya ito na binebentahan din ang isa pang residente.

Ayon sa Bacoor police, maaaring may kasabwat si Huang.

"May possibility na may kasama ito. Sigurado may contact siya. Baka siya lang ang naglalako," ani Superintendent Vicente Cabatingan, hepe ng Bacoor police. 

Ayon pa sa mga awtoridad, si Rica na ang ikalawang nabiktima ni Huang sa Bacoor.

Nitong Biyernes, nagpadala na ng sulat ang Bacoor police sa pamunuan ng dalawang brand para masuri ang mga gadget.

Isinailalim na rin sa inquest proceedings ang suspek na nahaharap sa reklamong swindling.

Nanawagan ang mga pulis sa iba pang nabiktima ni Huang na dumulog sa kanilang tanggapan para maisama sa asunto.

—Ulat ni Bianca Dava, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.