DAR nag-alok ng tulong legal para sa mga magsasaka

ABS-CBN News

Posted at Aug 16 2018 08:41 PM | Updated as of Dec 12 2019 07:08 PM

Watch more in iWantTFC

Kung nagkaalitan sa lupa, maaaring lumapit sa Department of Agrarian Reform (DAR) para maresolba ito. 

Ayon sa kalihim ng DAR na si John Catrisciones, libre lang ang serbisyong legal para sa mga magsasakang may alitan sa sinasakang lupa, na kadalasan ay sa pagitan ng mga tenant at ng mga may-ari umano ng mga lupa. 

“Kami rin po ay nagpo-provide ng legal services... Kami po 'yung tumutulong sa kanila para ma-settle 'yung problemang iyan,” ani Catrisciones sa “Usapang de Campanilla” nitong Miyerkoles.

Maaari rin kasing kuwestiyonin ang bisa ng Certificate of Land Ownership Award na patunay na pagmamay-ari ng isang tao ang lupang pinag-aagawan. 

Payo ng kalihim, puwede silang lapitan sa mga ganitong kaso. 

Dadaan ang mga kaso sa Provincial Agrarian Reform Adjudicator, na unang tatangap ng mga kasong agraryo, matapos nito ay dadaan ang kaso sa Regional Agrarian Reform Adjudicator, sa DAR Assistant Secretary at sa Undersecretary ng Legal Affairs. 

Matapos nito, susuriin naman ng kalihim ang kaso at pupuwedeng magbigay ng final ruling. 

Kung tingin ng mga magpa-file ng kaso na hindi pa nila nakukuha ang hustisyang gusto nila, maaaring iabot nila ito sa opisina ni Pangulong Rodrigo Duterte, Court of Appeals, at sa Korte Suprema. 

561,000 ektarya ng lupa para sa mga magsasaka 

Nagbabalak naman ang DAR na paigtingin ang land distribution sa ilalim ng CARPER (Comprehensive Agrarian Reform Program Extension with Reforms). 

Mayroon pa raw kasing 561,000 ektaryang lupa na sakop ng CARPER. 

Kaya hinikayat ni Catrisciones ang mga magsasaka na mag-apply para rito. 

Aniya, ang mga nais mag-apply ay dapat: 

  • 15 anyos pataas
  • Pilipino 
  • Wala dapat pagmamay-aring lupa
  • Nais magsaka at magbungkal ng kaniyang lupain

Tatlong ektarya kada tao ang puwedeng ibigay sa bawat tao, magkamag-anak man o hindi. 

Ani Catrisciones, uunahin nila ang mga mga tenant, o ang mga nagsasaka ng hindi nila lupa at nakikipaghatian sa ani sa mga may-ari ng lupa, ang regular farmworkers na empleyado ng isang kompanya, at ang seasonal farmworkers. 

Sunod din daw na prayoridad ang mga magsasakang nasa mismong barangay kung saan naroon ang ipinamimigay na lupa. 

“Ang nangyayari po dito, kumukuha po tayo ng magsasaka na naandoon sa mismong barangay. Puwede po iyon, puwede kapag wala sa barangay, sa malapit na barangay,” aniya. 

Kasama ang ilang lupain sa Isabela, Bicol Region, Leyte, Negros Occidental, Negros Oriental, Bukidnon, Agusan, at iba pang lugar kung saan marami raw naipamamahaging lupa. 

Binabalak din ng DAR na ipamigay ang mga lupang hindi nagagamit ng ilang state-funded na pasilidad tulad ng University of Southern Mindanao, na may mahigit 4,500 ektaryang lupang hindi nagagamit. 

Nakipag-usap na raw ang DAR sa Commission on Higher Education sa paglilipat ng lupa sa pangalan nila. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.