5 lalaking nagpakilalang tauhan ng Customs, timbog

Jeffrey Hernaez, ABS-CBN News

Posted at Aug 15 2018 11:23 PM

MAYNILA - Timbog ang 5 lalaki matapos magpanggap na mga tauhan ng Bureau of Customs at magbenta ng mga sasakyan at mga gadget na nahaharang umano sa mga pantalan.

Ayon kay Supt. Igmedio Bernaldez, commander ng Manila Police District Station 5, dumulog sa istasyon ang mga biktima nang matunugan na ang pangloloko ng mga suspek.

"Pinapaniwala nila ang mga mabibiktima nila kasi malapit sa Bureau of Customs, na iyun nga isa sa ano nila, pang-encourage na nag-u-uniporme pa ang mga yan, naka-barong, at the same time may pinapakita na mga ID ng Bureau of Customs," aniya. 

Mahigit P300,000 ang nakulimbat ng mga suspek sa mga biktima. Nakita nila sa e-commerce website ang mga inaalok ng mga suspek at na-engganyong bumili dahil mas mura.

Itinanggi naman ito ng mga suspek at sinabing tagakolekta lamang sila ng isang nagngangalang Michael.

Ngunit giit ng mga pulis, matagal na itong modus ng grupo kaya inihahanda na ang mga kasong swindling, syndicated estafa, at usurpation of authority laban sa mga ito.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.