PANOORIN: Food delivery rider sinagip ang nalulunod na bata sa swimming pool

Mylce Mella, ABS-CBN News

Posted at Aug 14 2020 05:10 PM

Watch more in iWantTFC

NAGA CITY — Nakuhanan ng CCTV ang pagtulong ng isang food delivery rider na sagipin ang isang bata na muntikan nang malunod sa isang swimming pool. 

Pasado alas-2 ng hapon noong Martes, kita sa CCTV ng isang private swimming pool ang lumalangoy na mga bata. 

Dumating ang isang food delivery rider na may dala ng inorder na milk tea ng isang pamilya. 

Sa may gitna ng pool, naroon ang nakasalbabida na 5-taong gulang na babae. Ilang sandali pa, bigla itong napailalim sa kaniyang salbabida. 

Agad naman na tumalon ang ina ng bata pero malayo ito sa batang nalulunod. May umagap din na isa pa pero nahirapan itong iangat ang nalulunod na bata. 

Timing na malapit ang rider, na nang makita ang sitwasyon ng bata ay ibinaba lang ang cellphone at agad-agad na pumunta sa pool para buhatin ang bata. 

Sa bilis ng pangyayari, cellphone lang ang hindi nabasa sa kanyang mga gamit. Nadamay pati ang mga pera na nasa kanyang bulsa na kita sa paghatid ng pagkain. 

Ibinigay niya na ang bata sa ina nito matapos niyang sagipin. 

Agad nagpaalam ang rider na basang-basa. 

Kinilala ang rider na si Kim Paul Nebres. Isang taon at 4 na buwan na siyang nagtatrabaho sa isang Bicolano food delivery service na Hungrily. 

Binigyang pugay naman ni Magno Conag, may-ari ng food delivery service, si Nebres. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.