Lalaking nagpanggap umanong distributor ng biskuwit, timbog

Maan Macapagal, ABS-CBN News

Posted at Aug 13 2018 04:22 PM

Naaresto ng Philippine National Police (PNP) ang isang lalaking nambiktima umano sa isang online seller matapos magpanggap bilang distributor ng biskuwit.

Natunton ng PNP Anti-Cybercrime Group noong Huwebes ang suspek na si Allan Faurillo, 38, matapos mahuli ang Angkas rider na inarkila nito para kuhanin sa remittance center ang perang ipinadala ng biktimang si alyas "Ashley."

Inireklamo ni "Ashley" si Faurillo nang hindi na raw ito sumagot sa kaniyang mga text at tawag matapos niyang padalhan ng P7,000 na bayad para sa biskuwit.

Balak sana ni "Ashley" na maging online seller ng biskuwit at nakilala niya sa Facebook ang suspek na nagpanggap bilang distributor ng kompanya ng biskuwit.

"Nagkaroon na po ako ng pag-aalala. Chat po ako ng chat hanggang sa nagmamakaawa na ako sa kanila nang sobra-sobra," sabi ng biktima.

"Galing po 'yan (pera) sa savings ko na inipon ko ng mga three months po," aniya.

Kapani-paniwala kasi umano ang Facebook page na ginawa ni Faurillo dahil may 4,000 likes ito at gumamit pa ng company logo.

Ipinayo naman ni Chief Superintendent Marni Marcos, direktor ng PNP Anti-Cybercrime Group, sa publiko na mag-ingat sa mga online scammer, lalo kung hindi nakikipagkita ang mga ito sa personal.

"Madali lang makuha ang picture ng isang kompanya, logo. All you have to do is cut and paste. Sasabihin mo ikaw 'yong legitimate company," ani Marcos.

Dagdag pa ni Marcos, minsan ay hindi kapani-paniwala ang mga produktong inaalok ng mga online scammer.

"Masyadong mura ang goods if you compare sa legitimate sellers," aniya.

Umamin naman ang suspek sa kaniyang nagawa na dahil umano sa pangangailangan.

“Nagipit lang po ako, kaya ko nagawa yon,” ani Faurillo.

Nahaharap sa patong-patong na kaso ang suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.