Kahit matumal: Tricycle drivers hinabaan ang pagpasada para may kitain habang quarantine

ABS-CBN News

Posted at Aug 12 2020 01:46 PM

MAYNILA - Doble-kayod ngayon sa pamamasada ang mga tricycle driver sa Metro Manila, ngayong maliit ang kanilang kita at may ipinapatupad na lockdown.

Sa Litex sa Quezon City, puspusan ang pamamasada ng mga tricycle driver na may rutang papasok ng Payatas-A.

Naglalaro sa P25 hanggang P50 ang kanilang pamasahe, depende sa layo.

May mga nakalagay ring mga plastic divider para sa kaligtasan ng mga pasahero.

Ayon sa tricycle driver na si Alfredo Perez, kung dati ay P800 ang naiuuwi niya sa kaniyang pamilya, ngayon P200 na lang ang kaniyang kinikita araw-araw simula noong makabalik-pasada sila noong Hunyo.

Kaya kahit sa edad na 61, nagbabanat pa rin siya ng buto at namamasada nang 17 hanggang 18 oras kada araw maitawid lang ang pangangailangan ng mga apat na anak na pawang mga kinder at elementary student sa darating na pasukan.

“Ngayon malinis P200 ang kita ko, dati P800 pesos, wala, sagad na lang namin ang byahe hanggang alas-9 o alas-10 ng gabi para may kitain,” ani Perez.

Gayunman, malaki pa rin ang pasalamat nilang nakakapaghanap buhay sila para may maipantustos sa pangangailangan ng kanilang pamilya, imbis na umasa sa ayuda.

Suspendido ang pampublikong transportasyon sa ilalim ng MECQ. Pero pinapayagang bumiyahe ang mga tricycle sa ilang kondisyon.

— Ulat ni Lyza Aquino, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.