Bilang ng COVID-19 cases sa Quezon City, higit 8,000 na

Arra Perez, ABS-CBN News

Posted at Aug 12 2020 11:27 PM

QUEZON CITY - Pumalo na sa 8,016 ang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa Quezon City nitong Miyerkoles.

Sa tala ng lokal na pamahalaan, 1,997 dito ang active cases, 5,590 ang gumaling, at 328 ang namatay sa COVID.

Isinailalim naman sa "special concern lockdown" simula Miyerkoles ang Valencia Hills Condominium sa Valencia dahil sa mataas na bilang o clustering ng COVID-19 cases. 

Una nang ipinatupad ang special concern lockdown sa bahagi ng Fairview, Maharlika, Mangga, Baesa, Sauyo, Krus na Ligas at Sta. Teresita. 

Sa naturang mga lugar, tanging frontliners at authorized persons ang puwedeng lumabas ng bahay.

Nagsasagawa rito ng rapid test, confirmatory swab test, at contact tracing. 

Binibigyan naman ng food packs ng lokal na pamahalaan ang mga apektadong residente.