Barangay sa Bacolod, isinailalim sa lockdown dulot ng mga bagong kaso ng COVID-19

Nico Delfin, ABS-CBN News

Posted at Aug 12 2020 10:57 PM | Updated as of Aug 12 2020 11:17 PM

Isinailalim sa lockdown ang Barangay 18 ng Bacolod matapos magtala ito ng mga panibagong kaso ng COVID-19. Kuha ni Jonathan Diaz

BACOLOD--Isinara sa publiko ang nasasakupan ng Barangay 18 sa lungsod na ito nitong Miyerkoles ng gabi kasabay ng ipinatupad na disinfection sa lugar.

Ayon sa kagawad na si Jonathan Diaz, dalawang hospital personnel -- isang technologist at nurse -- ang nagpositibo sa COVID-19 positive sa naturang barangay.

Dahil sa lockdown, apektado ang may 109 na mga pamilya na hinahanapan na ng paraan ng barangay na mabigyan ng ayuda.

Ang dalawang hospital personnel ay kabilang sa 7 dagdag na COVID- 19 cases sa Bacolod.

Maliban sa dalawa, nag-positibo rin sa COVID-19 ang isang lalaking hospital personnel at dalawa pa sa kaniyang co-worker na kasamang nanunuluyan din sa isang boarding house sa Barangay 18. 

Isang dean ng unibersidad sa lungsod ang kabilang din sa mga nahawaan ng COVID-19 sa lugar.

Samantala, may 22 namang bagong coronavirus cases ang Negros Occidental.

Sa tala ng Department of Health-Region 6, ang dagdag na mga kaso sa Negros Occidental at Bacolod ay kabiling sa 100 na local cases sa Western Visayas.

Umabot na sa 34 ang bilang ng mga namatay sa rehiyon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.