Daloy ng trapiko sa EDSA sintindi na ng sa 'ber' months: MMDA

ABS-CBN News

Posted at Aug 12 2019 05:03 PM | Updated as of Aug 12 2019 07:13 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

(UPDATE) Ang daloy ng trapikong nararanasan kamakailan sa EDSA ay sintindi na ng nararanasan tuwing "ber" months (huling 4 na buwan ng taon, o mula September hanggang December), base sa bilis ng takbo ng mga sasakyan, ayon sa pag-aaral ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).

Lumabas sa pag-aaral na ang average na bilis ng sasakyang bumaybay ng EDSA noong Hulyo ay 19.30 kilometro kada oras (kph), malayo sa itinakdang speed limit sa EDSA na 60 kph.

Karaniwang bilis naman sa EDSA tuwing "ber" months ang 19.54 kph.

"Nasa buwan pa lang po tayo ng Agosto so makikita naman po natin ang mga figures po ay hindi nagsisinungaling, na talaga namang nakakaranas ng pagbagal," ani MMDA Assistant Secretary Celine Pialago.

Ang EDSA ang isa sa mga pangunahing kalsada sa Metro Manila na tumatagos sa mga lungsod ng Caloocan, Quezon, San Juan, Mandaluyong, Makati, at Pasay.

Sa datos ng MMDA, lumabas din na 10,000 sasakyan ang dumadagdag sa mga dumadaan sa EDSA kada buwan.

Sa higit 10 milyon rehistradong sasakyan sa Pilipinas, lumabas na isa sa bawat 4 ay rehistrado sa National Capital Region.

"Mathematically speaking ho, cars keep on multiplying but roads are not," ani Pialago.

Ang maximum carrying capacity ng EDSA o bigat na kaya ng kalsada sa bawat oras at bawat direksiyon ay nasa 6,000 sasakyan.

Sa ngayon, nasa 6,800 sasakyan ang kinakarga ng EDSA sa kada oras at kada direksiyon.

Inamin din ng MMDA na kulang ang kanilang enforcers pero patuloy daw nilang pinalalakas ang samu't saring patakaran na mayroon sila gaya ng yellow lane, motorcycle lane, total truck ban, number coding scheme, mabuhay lanes, at kolorum.

-- Ulat ni Jeff Canoy, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.