Zapote market sa Bacoor isinara dahil sa COVID-19 cases

ABS-CBN News

Posted at Aug 11 2020 04:58 PM | Updated as of Aug 11 2020 07:25 PM

Watch more in iWantTFC

Isinailalim sa lockdown ang Zapote Public Market sa Bacoor City, Cavite matapos mag-positibo sa COVID-19 ang mga nagtitinda at marshal.

Simula nitong umaga ng Martes, isinara ang mga daan papunta sa palengke at nakabantay na rin ang mga awtoridad doon.

Nasa 9 na nagtitinda at isang marshal ng palengke ang nag-positibo sa COVID-19.

Ayon kay Bacoor Mayor Lani Mercado-Revilla, nagsasagawa na ng contact tracing ang lokal na pamahalaan sa mga suki ng mga nag-positibong nagtitinda sa palengke.

Tatagal ang lockdown hanggang Agosto 18 at hindi papayagang magbukas ng kanilang mga puwesto ang mga nagtitinda kung hindi nagpa-swab test at walang health certificate.

Pito pang maliliit na palengke sa Bacoor City ang isinara rin.

Sa Oriental Mindoro, hiniling naman ni Mayor Arnan Panaligan sa lokal na Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases na isailalim din sa modified enhanced community quarantine (MECQ) ang Calapan City sa loob nang 2 linggo dahil sa pagdami ng mga tinatamaan ng COVID-19.

Nitong Martes, 42 police trainees ang nag-positibo sa COVID-19.

Noong weekend pa naka-lockdown ang Calapan City Police Station matapos mag-positibo sa virus ang 5 pulis, isang civilian employee, at isang inmate.

Muli ring ipatutupad ang quarantine pass sa lungsod at lilimitahan ang mga negosyong bukas.

Kung maaaprubahan, posibleng mailagay sa MECQ ang Calapan City simula Agosto 13. -- Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.