Babae patay nang saksakin umano ng kapatid sa Iloilo City

Regi Adosto, ABS-CBN News

Posted at Aug 10 2019 10:29 AM

ILOILO CITY - Patay ang isang babae matapos umano siya pagsasaksakin ng kaniyang kapatid na lalaki sa Barangay Calumpang, Molo, dito sa siyudad, Biyernes ng gabi.

Agad naman naaresto ng Molo Police ang 52 anyos na suspek. Hinihintay na lamang ng mga pulis ang pamilya ng biktima para magsampa ng kaso laban sa kaanak.

Ayon sa report, alas-10 ng gabi nang maganap ang insidente habang nagi-inuman ang magkapatid.

Dala ng kalasingan at dati nilang away, nasaksak ng suspek ng tatlong beses ang nakatatanda nitong kapatid.

Naisugod pa sa ospital ang biktima pero idineklara nang dead on arrival, ayon sa pulisya.

Narekober naman ang kutsilyo na ginamit sa krimen.

Lumalabas sa imbestigasyon na pinag-awayan ng magkapatid kung sino ang dapat na may responsibilidad sa pag-aalaga sa kanilang ina.

Nagrereklamo umano ang suspek dahil sa kaniya pa aniya inaasa ang lahat kahit na siya ay may kapansanan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.