Paniguro ng OFWs sa kabila ng Hong Kong protests: 'Safe naman kami'

ABS-CBN News

Posted at Aug 08 2019 09:04 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Siniguro ng ilang overseas Filipino workers (OFW) sa Hong Kong na ligtas sila doon sa gitna ng mga protesta.

Ito'y sa kabila ng pag-aalala ng kanilang mga kaanak sa kanilang kaligtasan matapos pumutok ang malawakang mga rally sa siyudad.

"Ang mensahe ko lang po sa mga kamag-anak naming mga OFW sa Pinas, wag kayo mag-alala kasi okay naman kaming mga OFW dito," ani Wena Tumalan, manggagawa sa Hong Kong.

"Safe naman po kami kasi di kami bumababa sa building basta may demonstration sa baba," ayon naman kay Jennylyn Lamadan, isa pang OFW.

Sabi ng konsulada ng Pilipinas, susi ang alamin ang mga lugar kung saan may protesta at umiwas doon.

"Patuloy ang aming advisory na sinasabi namin kung saan may rally, iwasan nila 'yung mga lugar na 'yon. Wag magsuot ng itim o puti," paliwanag ni Germinia Aguilar-Usudan, Deputy Philippine Consul General in Hong Kong.

Ligtas din daw ang siyudad para sa mga turista sa kabila ng naobserbahang pagnipis ng bilang ng namamasyal sa mga sikat na tourist spots.

"Ito ang new normal namin.... Pero wala pa kaming nababalitaan na turista na pinuntirya ng mga nagra-rally o sinaktan," sabi ni Aguilar-Usudan.

Maaalalang isang Pinoy ang nahuli matapos umanong mapagbintangang nakikilahok sa rally, pero kalaunan ay napalaya din.

—Ulat ni Jacque Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.