MMDA pinabubuksan sa HPG ang U-turn slots sa EDSA-Santolan

ABS-CBN News

Posted at Aug 08 2019 02:02 PM | Updated as of Aug 08 2019 02:13 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA – Makikipag-ugnayan ang Metropolitan Manila Development Authority sa Philippine National Police Highway Patrol Group (PNP-HPG) para hilingin na buksan ang U-turn slots sa EDSA-Santolan area para tuluyang lumuwag ang trapiko sa lugar.

Sa harap ito ng mabigat na daloy ng trapiko sa pangunahing kalsada, at mahigpit na pagpapatupad ng yellow-lane policy sa ilang bahagi ng EDSA, partikular sa southbound lane ng kalsada.

Ayon kay EDSA traffic chief Bong Nebrija, napapansin umano ng kanilang ahensiya na bumabara ang trapiko sa lugar, partikular na sa mga u-turn slots sa ilalim ng flyover. Ang HPG aniya ang nakaatas na magmando ng trapiko sa lugar at hindi MMDA.

Ang panulukan ng EDSA at Santolan Road ay nasa tapat ng Camp Crame, ang PNP headquarters.

"Karamihan po andito sa ilalim lahat po ng city bus sa ilalim. Pero makikita niyo na haluhalo po rito, may private, may mga motorsiklo na galing sa U-turn, sila po ang napa-priority, 'yung mga bus 'pag nag-go 'yan nagsisiksikan po iyan, nagbabarahan," ani Nebrija sa DZMM.

"Hindi pa rin po makausad ang mga private vehicles pero we need to do a collective effort para makausad po," dagdag niya.

Sa ngayon, binabantayan ng MMDA Monitoring and Command Center ang southbound lane ng EDSA sa Santolan at mga bahagi ng Regalia, Aurora at Cubao.

Mabagal naman ang daloy ng trapiko mula Magallanes hanggang Shaw Boulevard.

Ayon kay Nebrija, 378 ang tauhan ng MMDA sa EDSA, at 340 sa kanila ang hinahati sa tatlong shift. Aabot lang sa 80 ang naka-monitor sa Metrobase ng MMDA at nakatakda pa silang magkabit ng mga bagong monitor para mas mabantayan ang daloy ng trapiko.
 
"Yung mga tao natin, nandiyan sa baba on the ground, umuulan, andiyan po iyan, nagmamando po iyan. Kailangan namin ng pakikipagtulungan ng bawat isa," ani Nebrija.

-- May ulat ni Michael Joe Delizo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.