Trike, pedicab drivers pinaalalahanan: 'Huwag managa ng mga pasahero'

Ina Reformina, ABS-CBN News

Posted at Aug 06 2020 07:44 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA — Muli na namang lumiit ang kita ng libo-libong tricycle, pedicab, at e-trike drivers sa Maynila, Quezon City, at ilang pang lugar ngayong nasa ilalim ng mas mahigpit na quarantine ang National Capital Region.

"Makatsamba lang kami P200 lang, 'yun lang po. Yung dati kumikita ako ng P400, ngayon mahina ngayon, minsan P150," kuwnto ni Nole Pamulaklak, padyak driver.

Bukod sa 5,000 padyak drivers, pinayagan din ng lokal na pamahalaan ng Maynila na mamasada ang 14,000 traysikel at e-trike.

Nakapako pa rin sa P20 ang pasahe sa unang 4 na kilometro, dagdag P5 naman sa kada kalahating kilometro.

"Lalo pong naghirap, medyo naghirap po ngayon simula nung nag-MECQ.... Halimbawa, isang tao lang isasakay mo magkano lang ibabayad? Minsan bente, minsan trenta," ani Ed Paul Lozano, tricycle driver

Maaari naman hanggang 4 na pasahero sa e-trike.

"Kinikita ho namin noon P1500 ganyan. Eh sa ngayon na lang po mababa na po kita namin, minsan P700, P800. Tapos boundary po namin P300 kalahating araw lang po," hinaing naman ni Jonjon Roque, e-trike driver.

Binalaan naman ng Manila Traffic and Parking Bureau ang mga drayber laban sa pananamantala sa mga pasahero.

Magsasagawa raw ng surprise operations ang MTPB at i-impound ang mga lalabag sa MECQ guidelines.

"Alam naman po natin sa kalakaran ng transportasyon, pag hindi ka nakapasada, nganga ka maghapon, wala kang chicha. 'Yun po ang mangyayari sa kanila... Wag nating samantalahin ang pandemyang nagaganap para samantalahan ang taumbayan," ani MTPB officer in charge Dennis Viaje.

Puwede namang magbigay ng extra sa mga driver pero ang bawal ay kapag sila ang manghihingi ng mas mataas na pasahe.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.