100 bahay napinsala sa pagtama ng ipuipo sa Tudela, Misamis Occidental

Dynah Diestro, ABS-CBN News

Posted at Aug 06 2020 01:53 AM

Maraming punong kahoy ang natumba at bahay ang napinsala sa Tudela, Misamis Occidental matapos tumama ang isang ipuipo sa naturang bayan nitong Miyerkoles, Agosto 5, 2020. Kuha ni Misamis Occidental Gov. Philip Tan

Maraming punong kahoy ang natumba at bahay ang napinsala sa Tudela, Misamis Occidental Miyerkoles ng hapon matapos tumama ang isang ipuipo sa naturang bayan.

Ayon kay Jose Constantino Julio, disaster management officer ng Tudela, tinatayang nasa 100 bahay ang napinsala dahil sa lakas ng hangin.

Ilan sa mga bahay ang wala nang bubong, at tinamaan ng mga natumbang punongkahoy, habang ang iba naman ay inilipad.

Apektado ang mga ng Sentro Napu, Upper Centro, Sebac at Basirang. Pinakamaraming pinsala ang naitala sa Basirang kung saan naglandfall ang ipuipo.

Bahagya ring naantala ang biyahe ng mga motorista dahil sa mga nakahambalang na mga natumbang punongkahoy pero agad din namang naalis sa isinagawang clearing operations.

Laking pasasalamat ng mga opisyal at residente na walang nasugatan at nasawi sa insidente. Patuloy pa hanggang ngayon ang isinasagawang clearing operations sa mga apektadong barangay.

Wala namang kuryente ang buong bayan ng Tudela pero inaayos na ang mga naputol at nasirang kable para agad nang maibalik ang kuryente sa lugar.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.