'Walang pambili': BAYAN SecGen kinuwestiyon ang 'mandatory' na pagsusuot ng face shield ng mga pasahero

ABS-CBN News

Posted at Aug 05 2020 01:27 PM

 

MAYNILA — Kinuwestiyon ni Bagong Alyansang Makabayan secretary general Renato Reyes Jr. nitong Miyerkoles ang pag-oobliga sa mga pasahero sa pampublikong transportasyon na magsuot ng face shield.

"Paano gagawing MANDATORY ang face shield kung maraming walang pambili at walang access sa face shields?" sinabi ni Reyes sa isang Facebook post. 

"Buti sana kung may libreng face shield ang gobyerno. Kaso wala eh. Sana tinutulungan ang tao sa halip na dinadagdagan lang ang requirements," dagdag pa niya. 

Ayon sa Department of Transportation, kinakailangan nang magsuot ng face shield at face mask ang mga pasahero simula Agosto 15.

Una nang naging konsiderasyon ng Inter-Agency Task Force ang pagsusuot ng face shield bilang precautionary measure dahil sa patuloy na pagtaas ng bilang ng coronavirus disease (COVID-19) cases sa bansa.

Pumalo na sa 112,593 ang kaso ng COVID-19 sa bansa nitong Martes matapos makapagtala ng health department 6,352 bagong kaso, pinakamataas na bilang sa isang araw.