Magkaibigan patay sa pananaksak sa Zamboanga City

ABS-CBN News

Posted at Aug 05 2019 05:01 PM

Napatay noong gabi ng Linggo sa Zamboanga City ang 2 lalaki matapos pagsasaksakin ng trabahador ng isang vulcanizing shop.

Nag-iinuman sa tabi ng daan sa may Barangay Camino Nuevo ang magkaibigang Raymund Bejerano at Benjamin Asana nang lapitan sila ng suspek na may dalang kutsilyo, ayon kay Maj. Elmer Solon, hepe ng Zamboanga City Police Station 11.

Una umanong sinaksak si Bejerano at sinubukang sumaklolo ni Asana pero inundayan din siya ng saksak.

Naaresto sa follow-up operation ang suspek sa kaniyang bahay sa Barangay Canelar.

Nakuha rin sa suspek ang kutsilyong ginamit sa krimen.

Nagalit umano ang suspek nang tawagin ito ni Bejerano na "asset" ng mga awtoridad, ayon kay Amalia, misis ng biktima.

Dumepensa naman ang suspek at sinabing inunahan lang niya ang 2 biktima na umano ay may masamang binabalak laban sa kaniya.

Inihahanda na ng pulisya ang kasong 2 counts of murder laban sa suspek.

-- Ulat ni RJ Rosalado, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.