Isko Moreno nanita ng mga dayuhang nagyoyosi sa pampublikong lugar

Lady Vicencio, ABS-CBN News

Posted at Aug 05 2019 09:02 AM | Updated as of Aug 05 2019 09:12 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

MANILA -- Sinita ni Manila Mayor Isko Moreno ang ilang foreign national na nanigarilyo sa pampublikong lugar sa Malate, Maynila, Lunes ng madaling-araw.

Nag-iinspeksyon sa naturang red light district ang alkalde nang hindi makadaan ang kaniyang sasakyan dahil sa illegally parked vehicles ng mga kustomer ng isang club sa Remedios District.

"Akala kasi nila 'pag ganitong oras walang gobyerno," ani Moreno sa mga may-ari ng mga nakahambalang na sasakyan.

Dito na niya napansin ang mga nagkalat na upos ng sigarilyo sa labas ng club at naaktuhang naninigarilyo roon ang ilang dayuhan.

"Do not smoke!" puna niya sa mga ito.

Ipinatawag ni Moreno ang manager ng naturang club pero hindi umano pinapasok ang rumespondeng pulis.
 
Ilang minuto rin ang lumipas bago hinarap ng pamunuan ng club ang alkalde.

"Pag pinupuntahan kayo ng pulis, makikiisa kayo," ani Moreno.

Pinaalalahanan niya ang management ukol sa smoking ban sa pampublikong lugar at pagsunod sa parking zones.

Nag-ikot din ang alkalde sa Ospital ng Sampaloc matapos makatanggap ng mga reklamong kulang umano ang gamot at masungit ang staff doon.

Aniya, "Gusto ko lang ipaalala na maging patient sila (staff) at laging mag-smile."

Pasado naman ang kaniyang assessment sa pasilidad ng ospital.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.