SUV napipi matapos mabagsakan ng sanga ng narra sa QC

ABS-CBN News

Posted at Aug 04 2019 12:52 AM

MAYNILA—Basag ang windshield at pipi ang bubong ng isang nakaparadang compact SUV sa Anonas, Quezon City matapos mabagsakan ng naputol na sanga ng puno ng narra nitong Sabado. 

Ayon sa mga taga-barangay, bandang alas-8 ng gabi nang tuluyang bumagsak ang malaking sanga ng narra sa nakaparadang Suzuki Vitara.

Masuwerte naman na walang tao sa sasakyan nang mangyari ang insidente. 

Posible umanong bumigay na ang sanga matapos ang sunod-sunod na araw ng pag-ulan. 

Pagtataya ng ilang residente, nasa higit 100 taon na ang naturang puno ng narra. 

Pansamantalang bumigat ang trapiko sa kalsada pero kalaunan ay natanggal din ang bumagsak na sanga. 

—Ulat ni Jeffrey Hernaez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.