'Gutom na naman aabutin': Mga tsuper sa Laguna umaaray sa panibagong MECQ

Dennis Datu, ABS-CBN News

Posted at Aug 03 2020 07:54 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Kabilang ang Laguna sa mga lugar na balik sa modified enhanced community quarantine (MECQ) simula Martes kaya problemado ang mga drayber ng pampublikong sasakyan dahil wala na naman silang kabuhayan.
 
Kaya si Roland Dimaculangan, na isang buwan pa lamang muling nakakapasada ng UV Express, umaasa na sa kanilang paghinto sa pagbiyahe ay makakatanggap sila ng ayuda, lalo't may 5 siyang anak sa Lipa na binubuhay.
 
"Ay wala na nga uli, gutom na naman aabutin, wala tayong magagawa, utos nila eh... Panawagan na lamang namin ayuda na lang ibigay," ani Dimaculangan.
 
Simula din bukas, tigil muli sa pagbiyahe ng jeep si Ronald Najera sa Sta. Rosa City.

Hindi pa siya nakakabayad sa dami ng mga naipong bayarin pero ngayon ay mawawala pa ang maliit niyang pinagkukuhanan ng kita.
 
"Dapat makatrabaho na kami nang maayos, kasi patong patong na babayaran namin, tubig, kuryente, bahay," aniya.

Ayon kay Sta. Rosa City Mayor Arlene Arcillas, nakahanda sila na tugunan ang pangangailangan ng mga maaapektuhan.
 
Kasabay ng pagtigil muli ng pampublikong transportasyon, ang mga pangkaraniwang mga manggagawa ang apektado.

"Kung walang masasakyan maglalakad na lang talaga makapasok lang, kaysa naman tatambay kami ,wala kami kakainin kasi wala naman ibinibigay sa aming ayuda," ani Mark Paulo Eugenio, empleyado sa supermarket.
 
Ang solusyon ng LGU sa problema sa masasakyan ay ang emergency transport vehicle. Babayaran nila ang mga drayber ng jeep at van para maging service ng mga kailangang pumasok sa trabaho.

Ipapatupad din muli sa Sta. Rosa City ang quarantine pass.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.