Batang may hydrocephalus di maoperahan dahil sa COVID-19 cases sa mga ospital

ABS-CBN News

Posted at Aug 03 2020 07:49 PM | Updated as of Aug 03 2020 07:50 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Isinilang na may bukol sa noo ang isang taong gulang na si Angello Romero.

Inoperahan siya noong Setyembre pero na-diagnose din na mayroon siyang hydrocephalus. Mula noon, dumoble ang laki ng kaniyang ulo at bumalik din ang bukol sa noo.

Hirap tuloy siyang huminga dahil natakpan na ang kaniyang kaliwang mata at ilong.

"Siyempre makita ko 'yong kalagayan ng anak namin na ganyan, siyempre masakit para sa akin na magulang," ani Mary Grace Romero, ina ni Angello.

Dinalaw ng Lingkod Kapamilya si Angello—na taga-Cuenca, Batangas—dala ang gamot at vitamins.

Kasama ng Lingkod Kapamilya si Derick Caag, na tumutulong kina Mary Grace matapos malaman ang tungkol kay Angello sa Facebook.

Marami na ring nahikayat si Derick na tumulong kay Angello, na nagpadala ng mga regalo para sa una nitong kaarawan noong Mayo.

Nakaipon rin sila ng pera para sa operasyon ni Angello.

Hindi pa natutuloy ang operasyon dahil sa pagsabog ng bulkang Taal noong Enero at ngayon namang may pandemya.

"Gusto po namin na maoperahan na si baby," ani Mary Grace. "Kasi kita na po namin sa kalagayan niya na hindi na okay, masakit na po sa amin."

Hindi rin tinatanggap ng ospital sila Mary Grace ngayon dahil hindi pa itinuturing na emergency ang kalagayan ni Angello.

"Ayaw po nila mag-opera kung hindi pa agaw-buhay," ani Mary Grace.

"Habang tumatagal lalong lumalaki, lalong lumalala," ani Caag.

Kasama sa Guidelines on Surge Capacity Management ng Department of Health ang paglimita ng health facilities sa pagtanggap ng mga pasyente dahil sa dumadaming kaso ng may COVID-19.

Habang naghihintay maoperahan, nangangaialngan si Angello ng dagdag na gamot, gatas at diaper, na idinulog ng kaniyang pamilya sa mga nais tumulong. -- Ulat ni Bernadette Sembrano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.