Balik-MECQ: Mga namamasadang tsuper, commuter nag-aalala sa kabuhayan

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Aug 03 2020 01:29 PM

MAYNILA — Bumungad na usapan sa pila ng mga tricycle sa Pasay Public Market nitong umaga ng Lunes ang anunsiyo ng Malacañang na ibabalik sa modified enhanced community quarantine (MECQ) ang Metro Manila, Bulacan, Cavite, Laguna, at Rizal simula hatinggabi ng Martes.

Isa sa mga apektadong sektor ang pampublikong transportasyon dahil sa ilalim ng MECQ, tigil-pasada muna ang mga tricycle, jeep, taxi, transport network vehicle service, at bus. Wala ring mga tren.

Tanging shuttle services at mga pribadong sasakyan lang ang makabibiyahe.

Apektado dito ang mga tricycle driver gaya ni Celso Oliquiano, na kada 2 araw lang namamasada.

Ayon kay Oliquiano, hirap na nga silang kumita sa isang linggo, muli na namang mawawalan ng trabaho nang 2 linggo.

"Bahala na siguro. Siguro tulong-tulong na lang sa bahay para maka-survive," ani Oliquiano sa panayam ng ABS-CBN News.

Limitado rin ang mga nakapapasadang jeep kaya nag-aalala ang tsuper na si Jelvin Arma na baka maulit ang pamamalimos niya sa kalsada gaya ng nakaraan.

"Sana naman bago sila magdeklara ng ganyan, ayusin nila ang ayuda ng tao," ani Arma.

"Katulad niyan na magugutom na 'yong mga anak ko, kapag umiyak na ang anak ko at wala na akong maibigay, baka hindi nila alam ang magagawa ng magulang na nasa sitwasyong ganoon," dagdag ni Arma.

Plano naman ng taxi driver na si Joey Loyola na lumuwas ng probinsiya kasama ang mag-ina.

"Kung makakahabol pa kami... uwi muna sana kami kasi wala kaming makakain dito sa Metro Manila eh," ani Loyola.

Sakaling di umano makauwi ng Nueva Ecija, aasa na lang daw si Loyola sa tulong ng gobyerno.

COMMUTERS NABIGLA

Nabigla naman ang ibang commuter, tulad ni Sojy Eblacas, dahil mapipilitan siyang maghanap ng ibang paraan para makahanap ng trabaho.

"Nakaka-stress kasi," ani Eblacas, na pumapasok sa pamamagitan ng LRT, na titigil ang operasyon.

"Sabi stop operation, e 'yon talaga ang ginagamit kong public transpo. Pagbaba ng LRT, magbu-bus pa ako and maglalakad ulit," aniya.

Nanawagan naman ang iba na huwag munang ituloy ang MECQ.

"Baka may ibang paraan pa. Sana 'wag na lang sana ganitong ila-lockdown pa, ang daming mawawalan ng trabaho 'pag ganitong nangyari," anang konduktor ng bus na si Win Enriquez.

Inaasahang mababawasan muli ang tindi ng trapiko sa Metro Manila sa pag-alis ng pampublikong transportasyon sa ilalim ng MECQ.

Nagpasyang ibalik sa MECQ ang Metro Manila at mga karatig-lalawigan kasunod ng panawagan ng health care workers upang makahinga umano sila, lalo't dagsa ang COVID-19 patients sa mga ospital.  -- Ulat ni Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.