MMDA clearing ops sa 3 lungsod nagpatuloy kahit umuulan

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Aug 03 2019 10:40 AM

MAYNILA - Nagpatuloy ang regular na clearing operations ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa ilang bahagi ng mga lungsod ng Quezon, Pasay at Parañaque sa kabila ng tuloy-tuloy na pagbuhos ng ulan, Sabado ng umaga.

Sa Quezon City, inisyuhan ng tiket ang 36 sasakyan at tricycle na nakaparada sa mga kalsada o sidewalk, partikular sa Scout Borromeo Street.

Para hindi mabasa ng ulan ang papel, inilagay ng mga enforcer sa mga plastic pouch ang mga ticket bago ikabit sa mga windshield.

Gumawa rin ng sariling diskarte ang mga enforcer para hindi mabasa ang kasamahan nila na nagsusulat ang ticket.

Sa Mother Ignacia Avenue, hindi nakatakas sa tiket ang mga taxi driver na nakaparada sa gilid ng kalsada para maghintay ng mga pasahero.

Kung walang plaka ang sasakyan o hawak na lisensya ang driver, ipapa-impound ito.

Mga illegal vendor na bumalik sa kalsada naman ang pinuntirya ng mga MMDA operative na gumalugad sa Libertad sa Pasay at Baclaran sa Parañaque.

Nakipagsagutan pa sa enforcer ang ilang nagtitinda nang kumpiskahin ang kanilang mga mesa at paninda.

Napuno agad ang sasakyan ng MMDA sa mga nakumpiskang gamit.

Ayon kay Memel Rojas, pinuno ng Team Bravo ng MMDA Task force Special Operations, hindi na maibabalik sa mga vendor ang nakumpiskang gamit.

"Hindi kami nagkulang ng paalala sa kanila na bawal na magtinda dito sa Baclaran at sa Pasay Taft, kaso marami tayong kababayan na hindi nag-uunawa o nagbibingi-bingihan,"” sabi ni Rojas.

- May ulat nina Fred Cipres at Jekki Pascual, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.