Motorcycle riders nag-protesta vs mandatory barrier sa pag-angkas

ABS-CBN News

Posted at Aug 02 2020 11:53 AM | Updated as of Aug 02 2020 06:49 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA (UPDATE) — Nagtipon-tipon ang mga miyembro ng isang grupo ng motorcycle riders sa Quezon City nitong Linggo para ihayag ang kanilang pagtutol sa mandatory barrier para sa pag-angkas sa mga motorsiklo.

Ayon sa grupong Kagulong — na nagdaos ng protesta sa tanggapan ng Commission on Human Rights — magastos at hindi praktikal ang pagkakaroon ng barrier, lalo kung asawa naman ang angkas na kasama rin ng rider sa bahay.

"Huwag sana po kayo magbingi-binginan. Pakinggan at damhin niyo ang kalagayan na sinasapit naming maliliit na mamamayan at manggagawa," ani Kagulong Spokesperson Robert Perillo.

Para sa grupo, hindi barrier ang sagot sa pagsugot sa pagkalat ng COVID-19.

Sapat na rin umano ang sinusuot na face mask, helmet at gloves ng mga rider at angkas.

Sa unang araw ng paghuli sa mga lumalabag sa mga patakaran para sa magka-angkas noong Sabado, 1,284 ang tiniketan ng mga awtoridad sa buong bansa.

Sa bilang na iyon, 704 ang inireklamo ng reckless driving habang 580 naman ang may dagdag na reklamong overloading dahil sa hindi awtorisadong pag-angkas.

Pinagmumulta ng P1,500 hanggang P2,000 ang mga sinita sa unang paglabag.

Muli ring kinontra ng motorcycle expert ang pagkakaroon ng mandatory barrier.

Ayon kay Atoy Cruz ng Motorcycle Philippines Federation, hindi ligtas ang barrior at maaari pang pagmulan ng aksidente.

Ilang beses na raw sumulat ang grupo sa mga ahensiya ng pamahalaan pero hindi sila pinapakinggan.

"Kinakakatakot namin d'yan, yung wind dragging at saka wind lifting na tinatawag. Maski ikaw mabagal, dinaanan ka ng mabilis na bus o truck, maaaring magkaroon ka ng problema sa handlebar mo, mag-wiggle motor mo, madisgrasya ka," ani Cruz.

Pero nanindigan ang Department of Transportation na paraan ang barrier para maiwasan ang road crashes dahil malilimitahan nito ang bilis ng motorsiklo.

"Kasi ‘yong barrier, nagsisilbing pakpak ‘yan. At kung matulin ‘yong takbo, malamang na madala ‘yong driver. So talagang kailangan mabagal ang takbo, isang paraan ‘yon para bumagal din ang takbo ng mga motorsiklo," ani Transportation Assistant Secretary Alberto Suansing. -- Ulat nina Bianca Dava at Henry Atuelan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.